-- Advertisements --

Lalo pang lumakas ang panawagan para sa tuluyang pagpapalaya sa 25 marino na unang binihag ng mga Houthi rebels. Ang grupo ng mga bihag ay kinabibilangan ng 17 marinong Pilipino.

Sa ngayon ay sumama na rin ang The European Union (EU), at North Atlantic Treaty Organization (NATO) na nananawagang mapalaya na ang mga naturang bihag.

Maalalang Nobiembre-19 nang i-hijack ng mga rebelde ang barkong Galaxy Leader na kinalululanan ng 25 crew habang ito ay naglalayag sa Red Sea malapit sa Gulf of Aden.

Sinabi ni EU Ambassador to the Philippines Luc Véron na naglabas na rin ng kani-kanilang apela ang EU at NATO para sa tuluyang paglaya ng mga bihag.

Ang apela na inilabas ng NATO ay pirmado ni NATO Secretary General Jens Stoltenberg, kasama ang mga kinatawan ng mga bansang Australia, Bahamas, Japan, Liberia, New Zealand, South Korea, Singapore, the US, at Yemen.

Una rito ay kinundena ng ibat ibang international organization na kinabibilangan ng EU, NATO, UN, atbpang organisasyon ang ginawang pag-hijack ng mga rebelde.

Ipinunto rin ng mga ito na ang lugar kung saan isinagawa ng naturang krimen ay isa sa pinakamahalagang shipping route sa buong mundo.

Ang Gulf of Aden kasi ay ang pangunahing nagdudugtong sa Middle East, Europa, at Asya, kung saan maraming trading operations ang nangyayari dito.

Katwiran din ng NATO na ang ginawang hijacking ng mga rebeldeng grupo ay malaking banta sa paggalaw/transportasyon ng mga pagkain, krudo, humanitarian assistance, at iba pang pangunahing commodities sa ibat ibang bahagi ng mundo.