Tiniyak ni 4Ps Party-list Rep. JC Abalos na sinunod nang buo ng House Committee on Ethics ang due process sa pagrekomenda ng 60-araw na suspensyon kay Cavite Rep. Francisco “Kiko” Barzaga.
Ayon kay Abalos, dalawang buwan nilang pinag-aralan ang reklamong natanggap noong Setyembre 17, kasabay ng serye ng “intensive at exhaustive deliberations.” Pinabulaanan niya ang alegasyong minadali ng komite ang rekomendasyon matapos ideklarang guilty si Barzaga sa disorderly behavior dahil sa umano’y “reckless” at “inflammatory” na social media posts.
Inaprubahan ng plenaryo ang parusa sa botong 249 affirmative; 5 -negative at 11 abstain.
Giit ni Abalos, maraming beses binigyan ng pagkakataon si Barzaga na ihayag ang kanyang panig, kabilang ang muling pag-iiskedyul ng mga pagdinig.
Maging ang pagliban ni Barzaga sa bahagi ng isang hearing na inamin niyang dulot ng pagpupuyat sa computer games ay hindi raw naging hadlang para marinig ang kanyang depensa.
Nagpatuloy din ang komite sa pagbibigay ng konsiderasyon, gaya ng pagpapaliban at pagdaraos ng special hearing nang maging abala ang abogado ni Barzaga, upang matiyak na mabibigyang-daan ang pagtutol at pag-cross examine sa mga ebidensya at testigo.
Aminado si Abalos na may ilang miyembro ang nainip sa mga pag-antala, ngunit hindi umano sila nag-shortcut at sa halip ay nagtakda pa ng dagdag na oras para sa pagdinig.
Ayon kay Abalos sinunod nila ang Konstitusyon at Patakaran ng Komite.
Tiniyak din ni Abalos na lahat ng mambabatas na haharap sa ethics case ay makatatanggap ng pareho at patas na proseso.
Iginiit ng House Committee on Ethics na walang espesyal na pagtrato sa kaso ni Barzaga, matapos maunang umusad ang kanyang kaso kumpara sa mga mambabatas na nasasangkot sa umano’y anomalya sa mga proyekto.
Sinabi ni Abalos na nauna lamang aksyunan ang kaso ni Barzaga dahil may pormal na reklamong inihain laban sa kanya, na nagbigay ng hurisdiksiyon sa komite.
Ayon kay Abalos, wala pang naihahaing ethics complaint laban sa mga sinasabing “cong-tractors,” kaya wala pa silang maaaring aksyunan.
Aniya, naghihintay lang sila ng anumang complaint na isasampa sa komite. Kapag meron, agad itong tatalakayin.










