Nasawi ang isang 14-anyos na estudyante at sugatan naman ang dalawang batang kasama nito sa banggaan ng kolong-kolong at SUV sa Daligan, Jones, Isabela kagabi.
Ang nasawi ay ang tsuper ng kolong-kolong na si Mark Jayson Bangloy, 14-anyos, estudyante habang sugatan naman ang dalawang kasama nito na sina Nathaniel, 9-anyos at Kairuz, 4-anyos at pawang mga residente ng naturang barangay.
Ang tsuper naman ng SUV ay si Donilo Lotino, 51-anyos, may-asawa, negosyante at residente ng Usol, Jones, Isabela.
Sa imbestigasyon ng Jones Police Station, binabagtas ng SUV ang kalsada papunta sa silangang direksyon partikular sa forest region habang ang kolong-kolong ay patungo sa kanlurang direksyon partikular sa Jones Public Market nang magkasalpukan sa kalsada na bahagi ng Brgy. Daligan.
Sa lakas ng salpukan ay halos mawasak ang harapan ng SUV at nagdire-diretso sa poste sa tabi ng kalsada habang nayupi naman ang kolong-kolong.
Nagtamo ng malubhang pinsala sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang driver ng kolong-kolong at sinubukan pa siyang itakbo sa pagamutan subalit idineklara ng dead on arrival ng kanyang attending physician.
Sugatan din ang dalawang batang sakay ng kolong-kolong maging ang tsuper ng SUV.
Mahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide Multiple Serious Physical at Damage to Property ang tsuper ng SUV.