NAGA CITY – Muli na namang pinatunayan ng isang estudyante mula sa Goa Central School sa lalawigan ng Camarines Sur ang galing ng mga Bikolano pagdating sa mga mathematical international competition.
Ito’y matapos na masungkit ni Jake Aedan Iglesia ang Gold awards at ma-secured ang top rank para sa bansa sa isinagawang Guangdong Hongkong Macau Greater Bay Area Mathematical Olympiad (Big Bay Bei) 2024 Finals.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Aedan, sinabi nito na labis na kasiyahan at sobrang proud ito sa kanyang nakamit na tagumpay lalo na’t isa ito sa kaniyang mga pinapangarap sa buhay bilang isang mag-aaral.
Aniya, ang kanyang pagkapanalo ang naging magandang kabayaran sa lahat ng problema, pagod, sakripisyo at pagsisikap na kinaharap nito upang marating at maabot ang isa na namang tagumpay.
Dagdag pa nito, ang nasabing kompetisyon ay isinagawa online, habang dalawang linggo lamang ang naigugol nito upang maghanda para sa competition kasabay pa ng paggampan sa kanyang mga tungkulin sa paaralan.
Dahil dito, nakaramdam umano ito ng exhaustion at labis na pagod habang papalapit ang event kung kaya agad itong humingi ng tulong sa kanyang mga magulang na naging inspirasyon naman nito upang ipagpatuloy ang kanyang laban.
Samantala, ayon naman kay Marijane Atole Iglesia, ina ni Jake Aedan, labis na tuwa rin ang kanilang nararamdaman dahil sa mga achievements na naaabot ng kanilang anak.
Maaalala kasi na hindi ito ang unang beses na naiuwi ni Aedan ang gintong medalya mula sa mga international mathematical olympiad na kanyang sinalihan.
Magpapatuloy naman umano ang pagbibigay nila ng tiwala, suporta at gabay patungo sa tamang landas kay Aedan upang mas maging magandang ehemplo ito sa kanyang kapwa mag-aaral at anak upang matupad ang kanyang mga pangarap sa buhay.
Sa ngayon, nagparating na lamang ng pasasalamat ang mag-ina sa lahat ng tao na nasa likod ng mga tagumpay ni Aedan sa larangan ng Mathematical Olympiad.