KALIBO, Aklan—Matapos ang halos dalawang taon na tigil-byahe, muling lumapag sa Kalibo International Airport ang eroplanong T’Way Air sakay ang mga pasaherong nasa 132 mula sa Incheon, Korea.
Ito ang pangalawang international airline operator na nagbalik-operasyon sa nasabing paliparan.
Ang naturang eroplanong may ruta na Incheon to Kalibo ay may byahe na dalawang beses sa loob ng isang linggo hanggang sa Hunyo 30.
Ngunit, itinutulak nito ang araw-araw na flight mula sa Hulyo 1 ng kasalukuyang taon.
Una rito, sinalubong ng Ati-atihan tribe ang mga pasahero at binigyan ng ceremonial water cannon salute ang nasabing eroplano sa PTB international arrival area.
Nabatid na ang pagbalik ng mga international flight sa Kalibo airport ay kabilang sa pagsusumikap ng Civil Avaition Authority of the Philippines (CAAP) at Aklan provincial government dahil sa mas pinaluwag na restriction gayundin para unti-unting maibalik ang sigla ng industriya ng turismo sa probinsya.