Nanawagan si Energy Regulatory Commission (ERC) chairperson Agnes Devanadera sa mga local government units na payagang makapagbasa ng metro ang power distribution utilities sa kanilang lugar.
Sa isang panayam sinabi ni Devanadera na maaari nang magbalik kalsada ang distribution utilities dahil marami ng lugar ang nasa mas maluwag na quarantine measures.
Naglabas ng kautusan ang ERC sa mga kompanya na magsagawa na muli ng meter readings at maglabas ng panibagong billing bago ang June 8.
Pero nabatid ng opisyal na may ilang LGU na mahigpit pa rin sa naturang aktibidad.
Ang utos na ito ng komisyon ay bunga ng biglang taas na eletric bill ng Meralco (Manila Electric Company) customers ngayong buwan, sa kabila ng ipinatupad na lockdown sa Luzon.
Para naman sa power distributors, inatasan sila ng ERC na payagan ang mga customer na may monthly consumption na 200-kilowatt hour noong Pebrero, na bayaran ang kanilang bills sa ECQ at MECQ sa loob ng anim na buwan.
Magsisimula ito sa June 15 nang walang penalty, interes o dagdag singil.
Samantalang ang mga kumukunsumo ng mas mataas sa 200-killowatt hour noong Pebrero ay maaaring magbayad ng bill sa loob ng apat na buwan.