Pinagpapaliwanag ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang ilang power distribution utilities kung bakit hindi rin sila dapat patawan ng parusa dahil sa paglabag sa ilang advisory ng ahensya.
Hakbang ito ng komisyon kasunod nang pagpapataw nila ng P19-milyon multa sa Manila Electric Company (Meralco), na lumabag umano sa mga paalala ng ERC habang nasa gitna ng community quarantine ang bansa.
Ayon kay ERC chairperson Agnes Devanadera, bukod sa Meralco, nakatanggap din sila ng reklamo mula sa mga customer ng iba pang power distribution utility.
“Nag-review kami ng mga report at nakita natin na maraming lumabag. Iyong ibang paglabag nila, kasi sabi natin huwag nang singilin ‘yong ‘FIT-All;’ huwag nang singilin iyong universal charge/environmental charge pero naningil pa rin sila,” ani Devanadera sa Laging Handa briefing.
“Iyon, mga paglabag ‘yon. So, ang ginawa ng ERC sinulatan itong mga ito at pinagpapaliwanag natin.”
Kung maaalala, sinuspinde ng ERC ang pango-ngolekta ng FIT-All charges noong Marso bilang tulong sa mga customer na apektado ng lockdown.
Pagdating ng Mayo, pinasuspinde rin ng komisyon “until further notice” ang koleksyon ng Universal Charge-Environmental Charge (UC-EC) na katumbas ang P0.0025 kada kilowatt-hour (kWh).
Una nang pinangalanan ni Sen. Sherwin Gatchalian, ang pinuno ng Senate Committee on Energy, ang anim na distribution facilities na lumabag sa nabanggit na ERC advisories.