-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) sa tatlong kompaniya ng kuryente na isauli ang kabuuang P299.89 million na overcharges o sobrang singil sa kuryente sa knailang mga customer base sa inilabas na notice of resolution.

Sinabi ng ERC sa isang statement na ang over-recoveries ay naitala sa billion periods mula taong 2004 pa hanggang 2017.

Paliwanag ng ERC na hiwalay nilang inisyu sa tatlong kompaniya ng kuryente ang notices of resolution upang maaksyunan ang refund naturang halaga.

Kabilang dito ang Ceneco (Central Negros Electric Cooperative, Inc.), Panelco I (Pangasinan I Electric Cooperative, Inc.) at Lueco (La Union Electric Company, Inc.).

Ipinag-utos ng komisyon sa Ceneco na ibalik ang P237.95 million na labis na singil sa kuryente mula February 2004 hanggang December 2017.

Sa Panelco I naman, inatasang isauli ang nasa P24.90 million overcharges at P31.04 million naman ang kailangang i-refund ng Lueco pareho mula January 2014 hnaggang December 2016.

Nauna na ring ipinag-utos ng ERC sa Manila Electric Co ang pag-refund sa P7.76 billion sa over-recoveries sa kanilang customer mula ngayong buwan ng Mayo na katumabs ng P93 para sa isang residential household na kumokonsumo ng 200 kilowatt hour.