Kumbesido ang ilan sa mga presidential candidates na dumalo sa debate na inihanda ng CNN Philippines na dapat paghandaan ang magiging epekto ng sigalot ngayon sa pagitan ng Russia at Ukraine pagdating naman sa magiging sitwasyon sa Pilipinas, partikular na sa magiging presyuhan ng mga produktong petrolyo.
Ayon kay Senator Panfilo Lacson, ngayon pa lang ay ramdam na ang epekto ng tensyon sa pagitan ng dalawang bansa pagdating sa preso ng langis.
Subalit mayroon naman aniyang probisyon na nakasaad sa ilalim ng 2022 General Appropriations Act (GAA) na kapag tumama at lumagpas sa US$80 ang presyo ng kada bariles ng krudo ay maglalabas ang pamahalaan ng ayuda para sa mga tatamaan nito tulad ng sa mga magsasaka at tsuper.
Bukod dito, kailangan din aniyang bantayan ang magiging singil sa konsumo sa kuryente, pero iginiit naman na may programa para rito ang Department of Energy kung sakali mang sumirit ang presyuhan.
Para sa labor leader na si Ka Leody De Guzman, kailangan nang buwagin ang Deregulation Law para makapanghimasok ang pamahalaan sa presyuhan sa langis at para hindi rin masamantala ng mga kompanya ang krisis ngayon na kinakaharap ng buong mundo.
Nakikita rin ni Robredo na bukod sa pagkakaroon ng fuel subsidy mula sa pamahalaan, dapat magkaroon din ng automatic suspension sa excise tax sa langis, bantayan ang sources ng kuryente, tingnan ang implementation ng VAT, at ikonsidera ang iba pang maaring pagkukunan ng supply ng kuryente para hind rin mapuruhan ang publiko sa pagsirit ng presyo ng langis.
Nauna nang sinabi ng mga eksperto na maapektuhan ang presyo ng langis dahil sa tensyon sa pagitan ng Russia at Ukraine matapos na magpataw ng sanctions ang Western countires laban sa Moscow.