-- Advertisements --

Pinag-aaralan na ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang posibleng panganib na dulot ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sector sa financial stability ng Pilipinas.

Ito ang inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) governor Benjamin Diokno sa gitna ng mga kwestyon tungkol sa paglutang ng mga POGOs sa bansa.

Sa gagawing pag-aaral ng AMLC, target ng BSP na malaman kung ang epekto ng POGO sa ekonomiya at real estate, gayundin industriya ng pagkain.

“What’s the impact on real estate? What’s the impact on the economy? So we are studying this and we are putting some sense to online gambling,” ani Diokno sa isang event sa Maynila.

“Ang concern ko lang ‘yung real estate risk, implication sa food industry. Sakali all of a sudden mawala lahat ‘yan, ano impact non sa atin.”

Kung maaalala, inulan ng batikos ang mga POGO dahil sa dami ng Chinese na nagta-trabaho sa mga ito.

Inamin pa ng China na iligal sa kanilang bansa ang ano mang uri ng sugal.

Pinaiimbestigahan na sa Kongreso ang epekto ng POGO sa national security dahil sa mga dayuhang nagta-trabaho sa naturang industriya.