-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Halos nasira ang mga malalaking gusali sa Aleppo City sa Northern Syria.

Inihayag ni Bombo International News Correspondent Nhorie Rafal Quiblat na mas matindi ang epekto ng lindol kaysa sa nagaganap na Civil War sa Northern Syria.

Ngayon lamang nakaranas ng malakas na lindol ang Syria kaya hindi napaghandaan lalo na at naganap sa madaling araw na nasa kasarapan ng tulog ang mga mamamayan.

Aniya, winter ngayon sa Syria bukod pa sa kawalan ng kuryente sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol.

Nakakaawa aniya ang mga Syrian pangunahin na ang mga bata dahil malamig ngayon sa mga lugar na naapektuhan ng malakas na lindol.

Aabot sa 58 village sa Northern Syria ang naapektuhan ng malakas na lindol at karamihan ay gumuho ang mga gusali at mga bahay.

Ang Northern Syria ay tahanan ng milyun-milyong refugee na nawalan ng tirahan dahil sa nagaganap na digmaang sibil.

Sinabi pa ni Quiblat na kahit malayo ang Damascus City sa sentro ng lindol ay naramdaman pa rin nila ang pagyanig ngunit wala namang naitalang pinsala.

Wala naman aniyang Pilipino na naiulat na nasawi o nasugatan sa malakas na pagyanig sa Syria.