Kumbensido ang Department of Transportation (DOTr) na hindi naman gaanong maapektuhan ang kinikita ng mga drivers at operators sa Metro Manila sa kasagsagan ng enhanced community quarantine simula Agosto 6 hanggang 20.
Ayon kay DOTr Undersecretary Artemio Tuazon Jr. minimal lamang ang mababawas sa bilang ng mga pasahero sa loob ng dalawang linggo na ECQ period sa National Capital Region.
Papayagan pa rin kasi naman aniyang makalabas ang mga authorized persons outside residence (APOR) sa kabila ng reimposition ng pinakamahigpit na quarantine restrictions.
Bukod dito, marami rin aniyang mga industriya na pinapayagan na mag-operate sa kahit pa naka-ECQ ang Metro Manila.
Gayunman, sinabi ng DOTr na papanatilihin pa rin ang existing protocols hinggil sa pinapayagan na capacity sa mga pampublikong sasakyan.
Samantala, sinabi ni Tuazon na ang DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board ay nagbabalak na ibalik ulit ang libreng sakay sa EDSA Carousel Bus.