-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Kumpirmadong granada ang dalawang sumabog sa Task Force Pikit Checkpoint sa BARANGAY Fort Pikit, Pikit, Cotabato.

Una nang naging hinala ng Pikit PNP na granada ang sumabog sa lugar ngunit dahil sa walang makitang fragments at ayon na din sa mga naging pahayag ng mga residente, ay inakala nila itong firecrackers lamang.

Gayunpaman, upang masiguro ay tumawag na ang Pikit PNP sa Explosive Ordnance Disposal Team na nakabase sa Libungan, Cotabato upang magsagawa ng post blast investigation.

Sa pagsisiyasat, nalaman na isang MK2 Grenade ang sumabog sa lugar at hindi firecrackers.

Maswerte namang walang nasugatan sa nangyaring pagsabog ngunit nagdulot ito ng takot sa mga residente lalo pa at bago lang ang nangyaring pambobomba sa loob ng isang pampasaherong bus Aleosan Cotabato kung saan isang bata ang nasawi at anim ang sugatan.

Marami rin ang naniniwala na posibling may kaugnayan ang panghahagis ng granada sa Task Force Pikit Checkpoint sa madugong raid ng pulisya at militar sa Brgy Gokotan sa bayan ng Pikit.

Sa ngayon ay hinigpitan pa ng pulisya at militar ang seguridad sa Pikit Cotabato habang nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon sa pagsabog.