-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Tama ang ginagawang kampanya ni Kidapawan City Mayor Atty. Jose Paolo Evangelista laban sa iligal na sugal sa lungsod.

Ito ay ayon kay Roman Catholic Diocese of Kidapawan Bishop Reverend Jose Colin Bagaforo, DD sa isang liham na kanyang ipinadala sa alkalde ng lungsod na may petsang July 30, 2022.

Sa pamamagitan ng Executive Order Number 7 series of 2022 na inilabas ni Mayor Evangelista, sang-ayon ang obispo na nararapat ang EO number 7 o Anti-Illegal Gambling Ordinance upang hindi masira ang mga kabataan, pamilya at sa komunidad sa pangkalahatan ng dahil lamang sa sugal.

Bilang mga pastol ng mamamayan, tungkulin raw ng simbahan kaakibat ang pamahalaan na bantayan at isulong ang mabubuting asal para sa katatagan ng pamilya at pamumuhay, magbigay ng gabay sa pagtahak ng tamang Daan na dapat tahakin ng mga kabataan bilang pag-asa ng bansa, at patuloy na labanan ang katiwalian at pagkasira ng mabubuting kaugalian, ayon pa sa liham ni Bishop Bagaforo.

Hinimok din ng pinuno ng Simbahang Katolika ang mamamayan ng lungsod na makiisa at tulungan ang City Government sa kampanya nito laban sa illegal gambling upang lalong mapabuti ang mamamayan at lipunan sa pangkalahatan.

Umaasa si Bishop Bagaforo na magpapatuloy ang magandang ginagawa ni Mayor Evangelista sa pagsupil sa iligal na sugal at iba pang gawaing makakasira sa buhay ng mga mamamayan ng lungsod.