Ilalahad sa impeachment proceedings ang mga sobre na umano’y ibinigay ni VP Sara Duterte sa mga opisyal ng Department of Education (DepEd), ayon sa House Committee on Justice.
Ipinatawag ng komite si Marivic Pareja, director ng House Legislative Archives upang ilabas ang mga rekord at ebidensyang isinumite sa mga naunang pagdinig ng Committee on Good Government at Public Accountability. Kabilang dito ang testimonya ni dating DepEd Undersecretary Gloria Mercado na nakatanggap umano siya ng mga sobre na galing sa opisina ni Duterte.
Ayon sa mga naunang pagdinig, sinasabing may lamang pera ang mga sobre na ibinibigay sa ilang opisyal ng DepEd, kabilang ang mga miyembro ng Bids and Awards Committee. Ilan sa mga ito ay naglalaman umano ng P12,000 hanggang P15,000 bawat isa.
Patuloy na iniimbestigahan ng House Committee on Justice kung may sapat na batayan ang mga reklamong impeachment upang maakyat ang kaso sa Senado para sa pormal na paglilitis. (Report by Bombo Jai)
















