-- Advertisements --

Nagpahayag ng suporta ang sektor ng enerhiya sa bansa para sa isinusulong ng Mababang kapulungan ng Kongreso na economic charter change.

Partikular na dito ang resource persons mula sa Manila Electric Company (Meralco) at Department of Energy (DOE) na nakibahagi sa pagtalakay ng Committee of the Whole sa Resolution of Both Houses No. 7 nagpatunay sa wisdom ng pagdaragdag ng katagang “unless otherwise provided by law” may kinalaman sa economic provisions ng 1987 Constitution.

Ayon kay Meralco Senior Vice President Jose Ronald Valles, ang naturang hakbang para amyendahan ang Article XII ng Konstitusyon ay may pinanghahawakang mahalagang potensiyal para makaengganyo ng maraming investment para sa sektor ng enerhiya sa bansa.

Magreresulta umano ito sa mas pinahusay na kalidad ng serbisyo at mas mababang presyo at matugunan ang kakapusan sa suplay ng kuryente at mapaghahandaan ang demand sa kuryente sa hinaharap.

Samantala, suportado din ng DOE ang pagtanggal ng economic restrictions sa Saligang Batas.

Para suportahan ang posisyon nito, ipinaliwanag ni DOE USec. Sharon Garin na nasa 1.5 million ang job openings bilang resulta ng desisyon ng pamahalaan na payagan ang 100 porsyentong foreign ownership sa renewable energy sector simula noong 2022.

Aniya, aabot sa 357,459 indibidwal ang nagkaroon ng trabaho sa renewable energy sector sa nasabing taon.