Susundin ng Party-list bloc sa Kamara ang endorsement ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa speakership race.

Ito ang binigyan diin ni 1-Pacman party-list Rep. Michael Romero, presidente ng 54-member Party-list Coalition, sa kabila ng babala ni Davao City Rep. Paolo Duterte hinggil sa umano’y coup d’etat sa raw kung kailan maghahahalal ng kanilang susunod na lider ang mga kongresista.

Ayon kay Romero, “may chismis” daw silang naririnig kaugnay nito subalit naninindigan silang susundin ang endorsement ng Pangulo maliban na lamang kung magbago raw ang isip nito.

Nauna nang pinili ni Pangulong Duterte si Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano bilang kanyang manok sa speakership race, kasunod ng mga panawagan ng mga kongresista na pumili na siya sa limang kandidato sa naturang posisyon.

Pero sa kabila ng anunsyo ng Pangulo, sinabi ng anak nitong si Paolo na hindi pa raw tapos ang speakership race.

“May election pa sa July 22 at doon ako mas interesado, kung sino ang mananalo. Kasi may bali-balita, may isa sa tatlo na balak mag-coup d’etat on that day, ani Paolo.

“Mukhang hindi pa tapos ang laban para sa kanilang tatlo at sa mga backer,” dagdag pa nito.

Ayon kay Romero, hindi naman siguro sinasabi ni Paolo na magkakaroon talaga ng coup, pero wala pang naitatalang Speaker.

“It is just whether to vote for Alan Peter Cayetano or not. Pero sa ngayon, ang Party-list Coalition as well as the major political parties like PDP, NPC, NP, NUP, Lakas… alam namin na ito na yung direksyon ng Pangulo. Dito na rin yung direksyon naming lahat,” saad nito.