-- Advertisements --

Walang balak si Enchong Dee na takasan ang kinakaharap na kasong libel na na inihain ng isang politiko.

Depensa ito ng mga abogado ng 33-year-old actor matapos maakusahan na umano’y tinatakasan ang kaso kasunod ng biglang pagtungo sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong January 31 o bago ang Chinese New Year holiday kahapon.

Dito ay naghain ng P48,000 na piyansa si Enchong o Ernest Lorenzo sa tunay na buhay, para sa pansamantala niyang kalayaan, sa gitna ng inilabas nang warrant of arrest laban sa kanya.

Pagtitiyak pa ng panig ni Dee, abala lamang sa career commitments ang kanilang kliyente at nirerespeto nito ang batas kaya boluntaryong humarap sa NBI.

“Moving forward, Enchong will take all the appropriate and necessary legal steps to defend himself against the pending lawsuit,” bahagi ng pahayag ng kampo ng aktor.

Enchong Dee complainant

Noong nakaraang buwan nang bumungad sa 2022 ni Enchong ang kontrobersya kung saan nakitaan ng probable cause o sapat na basehan ng prosecutors ng Davao Occidental ang reklamong paninirang-puri ni Congresswoman Claudine Bautista-Lim.

Ugat nito ay matapos punahin niya ang aniya’y “lavish” wedding ng kongresista sa Balesin noon pang Agosto ng nakaraang taon gayong may pandemya raw.

Burado na ang naturang tweet na nagsasabing ang ginamit na pera sa engrandeng pag-iisang dibdib ay mula umano sa pondo ng “commuters and drivers.”

Bagama’t humingi na ng paumanhin, itinuloy pa rin ng kongresista ang pagdemanda laban kay Dee at sa mga kapwa artista nitong sina Ogie Diaz, Agot Isidro at Pokwang na nagpahayag ng parehong sentimyento.

Gayunman, tanging si Enchong ang sinampahan ng paglabag sa Cybercrime Prevention Act of 2012 dahil ikinonsidera lamang ang kanilang tweets bilang “mere expressions of disapproval” base sa resolusyon na may petsang November 16.