Nanawagan si Senate Majority Leader Joel Villanueva sa mga employer na tingnan ang iba’t ibang alternatibong working arrangement kagaya ng telecommuting o work from home dahil sa matinding init ng panahon na nararanasan ngayon sa bansa.
Ang panawagan ni Villanueva ay kasabay na rin ng pagdiriwang ng araw ng paggawa ngayong araw, Mayo 1.
Giit ni Villanueva, ito ay upang maibsan ang kalbaryo ng mga manggagawang Pilipino na nagtitiis pumasok araw araw sa gitna ng matinding init at traffic na kanilang kinakaharap.
Dahil dito, sinaluduhan ng senador ang bawat manggagawang Pilipino sa kanilang dedikasyon sa trabaho.
Ginagawa aniya ng senador ang lahat upang masuklian ang bawat pawis ng mga manggagawa sa pamamagitan ng pagbalangkas ng mga batas na magpapaigting ng proteksyon, kapakanan at kakayahan ng mga empleyado.
Una rito, ang isinusulong na Trabaho Para sa Bayan Act na napirmahan na ang Implementing Rules and Regulations.
Inaasahan ng mambabatas ang tuluyang pagpapatupad ng batas na ito upang bigyang solusyon ang unemployment, underemployment at ang “seasonality” ng trabaho upang sa lahat ng oras ay may disenteng trabaho para sa bawat Pilipino.
Dagdag pa, ang P100 wage increase sa daily minimum wage na magbibigay daan sa isinusulong na living wage bilang pamantayan sa pagtakda ng sahod.
Naniniwala si Villanueva, na dapat tinitingnan kung ang sahod ay kayang tustusan ang pang-araw-araw na pangangailangan ng pamilya, sapat ang nutrisyon, at nakakapag-aral ang mga anak.
Sa huli, ay ang planong maitaas ang antas ng kasanayan o skills ng amanggagawa. Hinihimok aniya ng panukalang ito ang mga employer na magpatupad ng mga in-company training para maging angkop ang kasanayan ng mga manggagawa sa kanilang pangangailangan.