-- Advertisements --

Inanunsyo ng Food and Drug administration sa Estados Unidos na ipatitigil na nito sa lahat ng ospital ang pagbibigay ng hydroxychloroquine at chloroquine.

Ang mga nabanggit na gamot ay kapwa experimental COVID-19 drugs na una nang ipinagmalaki ni US President Donald Trump.

Base sa kanilang pag=aaral ay nabatid na hindi naman tunay na epektibo ang gamot sa mga pasyente at patuloy lamang ang mga natatanggap nilang reports tungkol sa mga indibidwal na namatay sanhi ng cardiac arrest matapos inumin ang naturang gamot.

Sa halos 2,000 pasyente raw kasi na binigyan ng hydroxychloroquine at chloroquine ay nakaranas ang mga ito ng hindi normal na heartbeat habang ang iba naman ay nasawi dahil sa atake sa puso.

Dahil dito ay napagdesisyunan ng ahensya na tuluyan nang tanggalin ang legal requirements para sa emergency use authorization ng parehong gamot.

-- Advertisement --

Paliwanag ni FDA Chief Scientist Denise Hinton na hindi naman talaga inirerekomenda sa kasalukuyang treatment guidelines ng Amerika ang paggamit ng hydroxychloroquine at chloroquine sa mga COVID-19 positive patients na hindi pa isinasailalim sa clinical trial.

Nagpa-alala rin ang FDA sa mga health care providers na huwag isabay sa prescription ng remdesivir, isa pang COVID-19 experimental drug, ang hydroxychloroquine at chloroquine dahil maaari umanong pahinain ng mga ito ang pagiging epektibo ng remdesivir.