Limitado muna sa lalawigan ng Abra ang emergency calamity loan na inilaan ng Government Service Insurance System (GSIS) para sa mga miyembro at pensioners nito na naapektuhan ng malakas na lindol na yumanig kamakailan lang sa malaking bahagi ng Luzon.
Ipinahayag ito ni GSIS President at General Manager Jose Arnulfo “Wick: Veloso sa isang press briefing na ginanap ngayong araw.
Aniya, mayroong 5.4 billion pesos na pondong inilaan ang kagawaran na talagang itinabi para sa oras ng sakuna ngunit nilinaw niya na kinakailangan munang magdeklara ng state of calamity ang lokal na pamahalaan ng isang lugar upang ma-avail ng mga kaanib at pensioners nito ang nasabing emergency loan.
Paliwanag ni Veloso, sa ilalim ng naturang benefit ay maaaring humiram ang nasa 5,733 na active members at 2,503 pensioners ng GSIS mula sa Abra ng hanggang Php40,000 na may interest rate na 6% at payable naman sa loob ng tatlong taon.
Maging ang mga indibidwal na mayroong outstanding balance sa GSIS ay maaari ring makapag-avail nito ngunit hindi naman makikinabang dito ang mga mayroong kasalukuyang administrative charges.
Para naman sa panig ng mga kababayan nating naapektuhan din ng lindol ngunit nagmula naman sa mga lugar na wala sa ilalim ng state of calamity ay sinabi ni Veloso na maaari namang mag-avail ang mga ito ng multi-purpose loan na mas malaki naman ang halaga kumpara sa calamity loan.
Samantala, maaaring makapag-avail ng calamity loan at multi-purpose loan ng GSIS sa pamamagitan ng kanilang GSIS touch mobile, website, at mga portable kiosk.
Maaari rin silang magtungo para mag walk-in sa iba’t-ibang GSIS offices.
Mas pinabilis din ang proseso nito na maaaring agad na mailabas ang benefit sa kaparehong araw kung kailan nag-request o hanggang tatlong araw na maximum turn around time nito.
Habang hindi pa naman nila aniya napagdidiskusyonan ang usapin hinggil naman sa paniningil sa kanilang mga members at pensioners.