-- Advertisements --

Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang 89kilo ng hinihinalang high-grade marijuana na nagkakahalaga ng humigit-kumulang P106.8 milyon mula sa isang sailing yacht na nakadaong sa Subic Bay Yacht Club sa Zambales noong Setyembre 2, 2026.

Pinangunahan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), at Bureau of Customs (BOC) ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon noong Setyembre 1 hinggil sa hinihinalang ilegal na droga na nakatago sa loob ng naturang sasakyang-dagat.

Ayon sa mga awtoridad, natuklasan ng mga mekanikong nagsasagawa ng pagkukumpuni sa generator at makina ng yacht ang isang nakatagong stash na pinaniniwalaang naglalaman ng ilegal na droga.

Bandang alas-7 ng gabi noong Setyembre 2, nagsagawa paginspeksyon sa yate, at dito tuluyang natuklasan at nakumpiska ang mga hinihinalang kontrabando.

Dinala ang mga nakumpiskang item sa boathouse ng Subic Bay Yacht Club para sa dokumentasyon.

Ngayong Setyembre 3, nagsagawa naman ng security escort ang mga tauhan ng PCG sa paglilipat at turnover ng mga nakumpiskang item sa PDEA para sa tamang disposisyon at karagdagang imbestigasyon.

Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang pinagmulan ng hinihinalang high-grade marijuana at kung sinu-sino ang mga taong posibleng sangkot sa pag-iimbak at pagdadala nito sa naturang yacht.