-- Advertisements --

Ipinasa na ng Japanese government ang ang panukala na magbibigay kapangyarihan sa prime minister ng bansa upang magdeklara ng state of emergency sa oras na lumala pa ang kaso ng coronavirus sa Japan.

Ang naturang panukala ay magpapalawig sa existing legislation na tatagal nang dalawang taon.

Ayon sa gobyerno, kinakailangan nilang pag-isipan nang mabuti ang mga susunod na hakbang para tuluyan nang tuldukan ang pagkalat ng COVID-19.

Sa ilalim ng panukala na ito ay papangalanan ng prime minister ang mga lugar na isasailalim sa special measures at kung hanggang kailan ito tatagal.

Dahil dito ay maaari nang hilingin ng mga gobernador sa kanilang mga nasasakupan na manatili na lamang sa kani-kanilang mga bahay.

Maaari na rin nilang ipag-utos ang pagsasara ng mga eskwelahan at pagbabawal sa paggamit ng mga pasilidad kung saan nagtitipon-tipon ang publiko.

Magkakaroon din ng kakayahan ang mga otoridad na mag set up ng temporary medical facilities sa mga lupain o gusali na hindi na kailangan pang magpaalam sa may-ari.