Napagkasunduan na ng mga representante mula sa 30 bansa at international organizations ang paglalaan ng halos $300 million na emergency relief para sa Lebanon.
Kasunod ito ng malakas na pagsabog sa Beirut noong isang linggo na nag-iwan ng 158 patay at halos 6,000 sugatan.
Nilahukan ang naturang online donor conference ng iba’t ibang world leaders, kasama si US President Donald Trump, na inorganisa ng United Nations at France.
Sa opening remark ni French President Emmanuel Macron, nanawagan ito sa lahat ng pinuno na tumulong sa patuloy na pagpapadala ng tulong sa mamamayan ng Lebanon na labis na naapektuhan sa trahedya.
Inaayos na rin umano ng mga donors na pagsama-samahin ang kanilang mga resources sa mga susunod na araw. Makikipagtulungan din ang mga ito sa United Nations sa pamimigay ng gamot, pagkain at housing reconstruction.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa rin ang kilos-protesta sa Lebanon bunsod ng galit ng publiko sa nangyari.