-- Advertisements --
RUSSIAN PUTIN

Hiniling ng embahada ng Pilipinas sa Moscow ang mga Pilipino sa Russia na manatiling mapagmatyag at mag-ingat kasunod ng mga ulat ng isang armadong rebelyon ng isang pribadong mersenaryong grupo.

Binalaan din ng embahada ang mga Pinoy laban sa pagbisita sa mga matataong lugar, pakikibahagi sa mga protesta, at paglabas ng political opinions sa social media.

Pinayuhan din sila nito na iwasang bumiyahe sa ibang rehiyon hangga’t maaari.

Hinimok din ng embahada ang mga Pilipinong naninirahan sa Rostov-on-Don, Belgorod, at mga lugar sa border ng Ukraine-Russia na ipaalam sa kanila ang kanilang sitwasyon.

Inihayag ng rebeldeng Russian mercenary chief na si Yevgeny Prigozhin na nakontrol niya ang lungsod ng Rostov-on-Don sa Russia bilang bahagi ng pagtatangkang patalsikin ang pamunuan ng militar sa gitna ng sinabi ng mga awtoridad na isang armed mutiny.

Hiniling ni Prigozhin na ang Russian Defense Minister ng Russia na si Sergei Shoigu at si Valery Gerasimov, ang hepe ng General Staff, na ipinangako niyang patalsikin sa sinasabi niyang nakapipinsalang pamumuno ng digmaan laban sa Ukraine, ay pumunta upang makita siya sa Rostov, isang lungsod malapit sa border ng Ukraine.

Nauna niyang sinabi na mayroon siyang 25,000 fighters na lumilipat patungo sa Moscow upang “ibalik ang katarungan” at umano’y,hindi nagbibigay ng ebidensya, na ang militar ay pumaslang ng isang malaking bilang ng mga fighters mula sa kanyang Wagner private militia sa isang air strike, isang bagay na itinanggi ng defense ministry.

Bilang tugon, nangako si Russian President Vladimir Putin na parurusahan ang grupo ni Prigozhin.