Idinagdag ng isang election lawyer ni Vice President Leni Robredo at kilalang human rights lawyer ang kanilang boses sa lumalakas na panawagan mula sa mga kapwa abogado na tumakbo ang bise presidente bilang pangulo sa 2022.
Iginiit ng election lawyer na kailangan ng bansa ang tapat at masipag na lider tulad niya.
“Ako’y umaasa na tatakbo si VP Leni sa darating na halalan bilang pangulo ng bansa,” wika ni Romulo Macalintal, ang lead counsel ni Robredo sa election protest na isinampa ng natalong kandidato na si Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Pinaboran ng Korte Suprema, bilang Presidential Electoral Tribunal (PET), si Robredo, na nagpatibay pa sa kanyang panalo noong 2016 elections kung saan tinalo niya si Mrrcos ng mahigit 200,000 boto.
“Kapag hindi siya tumakbo bilang Pangulo ng ating bansa, hindi na tayo magkakaroon ng isang lider ng bansa na ganyan magtrabaho, ganyang magpahalaga sa paglilingkod sa taumbayan at ganyan kalinis sa paghawak ng pondo ng pamahalaan at lahat ng pondo na pumupunta sa kanilang tanggapan,” giit ni Macalintal.
Ipinunto pa ni Macalintal na nakakuha ang Office of the Vice President (OVP) ng pinakamataas na rating mula sa Commission on Audit (COA) sa pinakabagong audit nito.
Kinatigan ni human rights lawyer Chel Diokno ang pahayag ni Macalintal, sa pagsasabing si Robredo ang pinakakuwalipikado at pinakahandang magsilbi bilang lider ng bansa sa 2022.
“Nakita naman nating lahat kung paano siyang tumutulong sa mga Pilipino kahit limitado ang budget nila; how she went above and beyond in serving, dahil wala namang ibang mandato ang Vice President kundi constitutional succession. Iyong klase ng pamumuno ni VP Leni—na inclusive, na nakatuon sa laylayan, na makatao—ang kakailanganin natin para makahabol naman tayo sa ibang bansa in defeating the pandemic,” ani Diokno.
Pinasalamatan din ni Diokno ang mga kapwa abogado na nasa likod ng pagbuo ng “Lawyers for Leni” bilang bahagi ng kanilang suporta sa posibleng pagtakbo ni Robredo bilang presidente sa darating na eleksiyon.
Nagsagawa ang mga abogado, kabilang sina dating Supreme Court (SC) spokesperson Atty. Ted Te at legal luminaries na sina Dean Mel Sta. Maria at Atty. Ampy Sta. Maria, noong Biyernes ng online launch kung saan binasa ang Manifesto of Support para sa pagtakbo ni Robredo bilang pangulo sa 2022.
“Salamat sa ating mga pañero at pañera for this initiative. Let’s make sure VP Leni has the support she needs, so the country can, in turn, have the leadership it needs,” wika ni Diokno.
Naniniwala ang “Lawyers for Leni” na muling iiral ang batas sa ilalim ng liderato ni Robredo, na mahalaga sa isang demokratikong lipunan gaya ng Pilipinas.
Samantala, magsasagawa ng online launch ang ilang grupo ngayong araw (Linggo), kabilang ang Cebu for Leni (10 a.m. via Zoom), Church Workers for Leni (1 p.m. via Facebookhttps://www.facebook.co /churchworkersforleni).
Pagsapit ng alas-3:00 ng hapon, magsasagawa rin ng online launch ang Rizaleños for Leni Robredo sa Facebook (FB.com/rizalforlenirobredo) habang magsasagawa ang Bohol for Leni ng motorcade and community feeding bago ang kanilang online launch sa Zoom.