Lubos na nagpasalamat si Philippine National Police chief Gen. Guillermo Eleazar sa pagtiyak ng mga mambabatas na maipasa ang P128 billion Revitalization and Capability Enhancement Program.
Ito ang inihayag ni Eleazar sa kaniyang pagdalo sa pagdinig sa Committee on Public Order and Safety ng Kongreso kung saan inaprubahan ang Revitalization and Capability Enhancement Program (RCEP) ng PNP.
Ipapatupad ang RCEP sa loob ng 10 taon na sisimulan sa 2022.
Nabatid na sinuportahan din ng Senado ang paglalaan ng P20 bilyong pondo kada taon sa mga proyekto ng PNP para sa taong 2022 at 2023.
Kakailanganin aniya ng average na P11 bilyong pondo sa susunod na walong taon para ma-modernize ang PNP.
Kabilang dito ang konstruksiyon o ang pagpapatayo ng 400 police stations na kasalukuyan ay nakapuwesto sa mga lupang hindi naman pag-aari ng PNP.
Sakop din ng proyekto ang improvement sa mga crime laboratories, training institution sa mga probinsya, barracks facility at mga ospital.
Kasama rin sa programa ang mga baril at assault rifle na ipapamahagi sa mga pulis, gayundin ang apat pang helicopters at apat na fixed wings para sa PNP Air Group.