Dapat nang magpatupad ng safeguards at hindi na dapat patagalin pa ang umiiral na travel ban sa China pati na rin sa mga special administrative regions nito na Macau at Hong dahil sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease (2019 nCoV-ARD).
Ito ang binigyan diin ni House Committee on Economic Affairs chair Rep. Sharon Garin.
Aniya, hindi long-term solution ang travel ban.
Ang pagbabawal daw sa pagbiyahe at pagtanggap ng biyahero mula sa China, Hong Kong at Macau ay direktang makakaapekto aniya sa tourism industry ng Pilipinas o 13 percent gross domestic product (GDP) ng bansa.
“We need to coordinate with all the agencies concerned so that we can address what if we lose all this 20 percent of our tourists. What do we do? What are our alternatives? And that, we have yet to discuss with the Department of Tourism (DOT),” ani Garin.
Bukod dito, may “substantial economic impact” din ang travel ban sa mga manggagawang nagtatrabaho sa tourism industry.
Sinabi naman ni House Committee Ways and Means chairman Rep. Joey Sarte Salceda na maaring hindi makamit ngayong taon ang 7 percent na GDP growth na target ng pamahalaan dahil sa travel ban.
Para makontra ang negatibong epekto ng outbreak ng 2019 nCoV-ARD, iminungkahi ni Salceda na pasiglahin ang domestic tourism, magpatupad ng monetary stimulus ang Bangko Sentral ng Pilipinas para umikot ang pera, bigyan ng tamang impormasyon ang foreign markets at ihanda ang tourists service providers sa tamang nCoV-ARD prevention at mitigation measures.
Dahil dito, makikipagpulong sa susunod na lingggo ang komite ni Garin sa DOT para talakayin ang mga hakbang na gagawin ng pamahalaan sa oras na tumagal pa ang outbreak ng nCoV.