Aminado si House Committee on Economic Affairs senior vice chairman Joey Sarte Salceda na malaki ang epekto sa ekonomiya ng bansa ng enhanced community quarantine na ipinatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Luzon dahil sa bantang hatid ng COVID-19.

Sa aid memoire na kanyang ipinadala sa liderato ng Kamara, ipinaliwanag ni Salceda na kung hindi naman ginawa ng Pangulo ang naturang hakbang ay tiyak na mas aaray pa ang ekonomiya ng Pilipinas kapag magkaroon ng mass transmission ng virus.

Ayon kay Salceda, 2.95 percent ang mababawas sa gross domestic product (GDP) ng bansa kapag may lockdown.

Pero aakyat naman ito ng hanggang humigit kumulang 4.13 percent sa oras na magkaroon ng mass transmission ng COVID-19.

Sa tantya ng kongresista, kapag walang enhanced community quarantine maaring umabot ng 50,476 ang mahahawa ng COVID-19 hanggang sa Mayo 5.

Pero kapag may lockdown, iginiit ni Salceda na maaring malimitahan lamang ito sa 23,973 cases.

Bukod dito, ang mortality rate aniya kapag walang lockdown ay 2,524 at 959 naman kapag hihigpitan ang galaw ng publiko.