-- Advertisements --


MANILA – Hindi pa man nag-uumpisa ang Tokyo Olympics, todo hakot na ng gintong medalya ang Pinoy pole vaulter na si EJ Obiena.

Nitong Sabado nang masungkit ng 25-year old athlete ang gold medal sa Jump & Fly International Athletics Meet sa Mossingen, Germany.

Nakapagtala si Obiena ng 5.85-meter mark, na mas mataas mula sa kanyang dating record na 5.81-meters.

Dahil dito, nakapagtala ng bagong record para sa Pilipinas ang atleta.
Isa si EJ sa 11 Pilipinong atleta na qualified lumaban sa Tokyo Olympics sa susunod na buwan.  

Tinalo niya ang German athletes na sina Zernikel Oleg (5.70-meters), at Kass Philip at Humann Tim Linues, na parehong may 5.40-meter record.

Kung maaalala, nag-uwi rin ng gold medal si EJ noong June 3 sa Folksam Grand Prix sa Sweden.

Nitong June 7 naman nang masungkit din niya ang silver medal sa 2021 FBK Games sa Hengelo, Netherlands. -CJY