Hinimok ng environmetal watchdog group na EcoWaste coalition ang publiko na makikiisa sa penitential walk sa Antipolo City ngayong Huwebes Santo na iwasan ang hindi tamang pagtapon ng basura.
Sinegundahan din nito ang panawagan ng lokal na gobyerno ng Antipolo na magkaroon ng mapayapa, taimtim, malinis, at ligtas na Alay Lakad.
Sana raw ay huwag mag-iwan ng basura ang mga deboto katulad ng nangyari sa mga nakaraang taon.
Pinaalalahanan din ng grupo na ipakita ang pagmamahal at respeto sa patron ng Antipolo na si Our Lady of Peace and Good Voyage sa pamamagitan ng pagpapanatili ng kalinisan nito lalo pa’t isa na ngayong international shrine ang Antipolo Cathedral.
Hindi rin daw katanggap-tangaap na rason ang pagtapon ng basura kung saan-saan dahil mayroon namang maglilinis nito pagkatapos. Umaasa ang EcoWaste Coalition na isasabuhay ng mga deboto ang kanilang pananampalataya sa Panginoon.
Sa pagbabalik nga ng Alay Lakad sa Antipolo noong nakaraang taon matapos itong mahinto dahil sa pandemya, tinatayang anim na milyong katao ang lumahok dito.