Inaasahan na ng National Economic Development Authority (NEDA) na babagal ang ekonomiya ng bansa bilang resulta na rin ng enhanced community quarantine sa buong Luzon sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni NEDA Undersecretary Rosemarie Edillon isang araw matapos sabihin ni Pangulong Rodrigo Duterte na posibleng mapalawig pa ang enhanced community quarantine ng hanggang Abril 30.
Pero maaring mabago naman aniya ito pagsapit ng second quarter ng taon dipende sa pagpapatupad ng quarantine sa mga susunod na araw.
“Supposedly, unhampered ang flow ng essential goods and services, dapat may special lanes [for them], kaso mahigpit sa checkpoint. Sana may pagbabago na by next week, kapag ipinatupad na iyong Rapid Pass,” saad ni Edillon sa isang panayam.
Kamakailan lang ay inilunsad ng pamahalaan ang RapidPass system kung saan bibigayn ng QR codes ang mga health workers pati na rin ang iba pang mga empleyadong pinapahintulutang magtrabaho sa gitna ng quarantine upang sa gayon malimitahan ang contact nila sa mga tao nagmamando sa checkpoints.
Nauna nang sinabi ni Labor Sec. Silvestre Bello na aabot na sa 1.8 million mangngawa ang apektado ng enhanced community quarantine.