Umapela si House economic cluster cochairman at Marikina Rep. Stella Quimbo sa economic managers na suportahan ang pagkakaroon ng Bayanihan 3 sa pamamagitan ng Accelerated Recovery and Investments Stimulus for the Economy (ARISE) bill.
Ayon kay Quimbo, kailangan na magkaroon ng isang stimulus na nagkakahalaga ng P1.5 trillion para maiwasan ang inaasahang P2.4 trillion na mawawala sa kita ng pamahalaan sa susunod na taon.
Ito ay matapos na sabihin ng economic managers kamakailan na tinatayang babagsak ng 5.5 percent overall ang ekonomiya ng bansa ngayong 2020 dahil sa COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Quimbo na ang Bayanihan to Recover as One Act (Bayanihan 2), na inaprubahan kamakailan ng dalawang kapulungan ng Kongreso, ay hindi sapat na economic stimulus program.
Kailangan aniya gawin ng pamahalaan na proportionate ang COVID-19 response nito para makabangon ang ekonomiya sa susunod na taon.
“Sa ngayon po, surgery na ang kailangan sa sugat ng ekonomiya; First Aid ang Bayanihan 1, Emergency Room ang Bayanihan 2, pero di ito sapat para buhayin ang ekonomiya,” ani Quimbo.
Sa bersyon ng Kamara, ang ARISE Bill, na maaring tawagin na Bayanihan to Arise as One Act kapag maging ganap na batas, ay nagkakahalaga ng P1.3 trillion na hahatiin sa tatlong taon.
Sa ilalim ng panukala, binibigyan ng espesyal na atensyon ang mga maliliit na negosyo, na nangangailangan ng husto sa tulong ng pamahalaan.
Kabuuang P60 billion ang inilalaan sa loans, assistance at credit mediation services para sa mga micro, small and medium enterprises (MSMEs).









