-- Advertisements --

Naniniwala si House Committee on Constitutional Amendments chairman Alfredo Garbin Jr. na maraming mga trabaho ang magbubukas para sa mga Pilipino sa oras na matuloy ang pag-amiyenda sa mga “restrictive” economic provisions ng 1987 Constitution.

Sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Garbin na kung dadami ang mga oportunidad sa Pilipinas para sa mga Pilipino, hindi na kakailanganin pa ng mga mamamayan na magtungo sa ibang bansa para doon maghanap ng trabaho.

Inaasahan kasi nila na sa oras na maamiyendahan ang mga nakikita nilang restrictive economic provisions ng Saligang Batas ay papasok ang mas maraming foreign investors.

Base sa mga pag-aaral ng ilang mga eksperto, sinabi ni Garbin na ang restrictive economic climate sa Pilipinas ang siyang isa sa mga dahilan kung bakit hindi pumapasok ng bansa ang mga foreign investors.

Ito aniya ang isa sa mga kinukonsidera ng mga banyaga kung bakit sa ibang bansa na lamang mamuhunan para sa kanilang negosyo dahil sa Pilipinas ay mayroong balakid para sa kanilang participation sa national patrimony at ekonomiya.

“Kung saan kapag luluwagan natin ito, ang mga mamumuhunan, pumasok dito sa ating bansa, ay makakapagnegosyo sila ng madali. Ito naman ay magreresulta sa pag-contribute sa income ng ating gobyerno in terms of collection of taxes and contribution to national development lalo na, importante, sa pag-generate o paggawa ng trabaho dahil sa mga negosyo na ito,” saad ni Garbin.

Sa ilalim ng Resolution of Both Houses No. 2 na inihain ni Speaker Lord Allan Velasco sa pagbubukas ng 18th Congress noong 2019, ipapasok ang parirala na “unless otherwise provided by law” para luwagan ang pagnenegosyo ng mga banyaga sa bansa.

Sa ganitong paraan, sinabi ni Garbin na mabibigyan nang kapangyarihan ang Kongreso na baguhin ang mga sinasabing restrictions na ito para makapaghikayat ng foreign investments sa oras na kailanganin ito ng ekonomiya ng bansa.