-- Advertisements --

Itinutulak ni Muntinlupa Rep. Ruffy Biazon na gawing duty-free ang pag-aangkat ng mga bakuna at iba pang essential medical supplies sa gitna ng public health emergencies gaya ng COVID-19 pandemic.

Inihain ni Biazon ang House Bill No. 8375 para gawing exempted ang pag-aangkat ng mga critical medical products, essential goods, equipment at supplies mula sa buwis at iba pang bayarin sa panahon na naideklara ang public health emergency.

Ayon kay Biazon, dating commissioner ng Bureau of Customs, dapat alisin ang anumang humadlang sa availability at accessibility nang publiko sa mga produktong ito.

“Government must willingly give up these revenue sources as it will redound to more lives saved,” ani Biazon.

Layon ng panukalang batas na ito na palawakin ang Customs Administrative Order (CAO) 07-2020, na nagpapatupad ng Section 4 (o) ng Bayanihan to Heal as One Act para isama ang mga bakuna at iba pang gamot na kailangan para ma-contain ang umiiral na public health emergency.

Bukod sa mga kritikal na gamot, kabilang din ang personal protective equipment (PPE); surgical equipment at supplies; laboratory chemicals at equipment; consumables gaya ng alcohol, sanitizers, tissue, thermometers, at cleaning materials; testing kits; at iba pang supplies o equipment na tutukuyin ng Department of Health (DOH) at iba pang ahensya ng pamahalaan.

Inaatasan din ng panukalang ito ni Biazon ang Bureau of Customs, katuwang ang iba pang ahensya ng pamahalaan, nang pagbalangkas ng liberalized procedures para mapabilis ang pagpasok ng mga produktong aangkatin na kailangan para masolusyunan ang public health emergency sa bansa.

Sa pagdinig ng House Committee on Health hinggil sa COVID-19 vaccination program ng pamahalaan, hiniling ni vaccine czar Carlito Galvez Jr. na isama ng mga kongresista sa ikatlong Bayanihan 3 ang probisyon na naglalayong alisan ng buwis at custom duties ang mga bakunang aangkatin.