Wala pang posisyon si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa mungkahing gawing mandatory ang pagbabakuna kontra COVID-19 para sa mga Pilipino.
Sinabi ito ni presidential spokesperson Harry Roque matapos matanong sa kanyang press briefing hinggil sa itinutulak ngayong panukalang batas sa Kamara kaugnay sa mandatory COVID-19 vaccination.
Ayon kay Roque, lumalabas sa ngayon na bumubuti na rin naman na ang vaccination hesitancy ng publiko.
Kung titingnan, marami na nga rin aniya ang gustong magpabakuna subalit limitado pa lang ang dumarating na supply ng mga COVID-19 vaccines sa Pilipinas para sa ilang piling sektor.
Kamakailan lang, inihain ni Caite Rep. Elpidio Barzaga ang House Bill No. 9252 para obligahin ang lahat ng mga indibidwal na magpabakuna kontra COVID-19 para masolusyunan ang vaccine hesitancy sa bansa.
Ang mga indibidwal na tatangging magpabakuna ay hindi papayagan na makapasok o makapunta sa mga pampublikong lugar na pagmamay-ari ng gobyerno o kahit ng pribadong sektor.
Ang mga mayroon naman g medical conditions na hindi pinapayagan ng kanilang mga doktor na magpabakuna ay exempted sa batas na ito.










