-- Advertisements --

Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Department of Energy (DOE) na ibalik sa lalong madaling panahon ang supply ng kuryente sa mga lugar na hinagupit ng Bagyong Odette.

Ayon kay acting cabinet secretary Karlo Alexei Nograles, ilang mga lugar, lalo na sa Dinagat Islands, ang wala pa ring kuryente sa ngayon.

Sinabi ni Nograles na inatasan din ni Pangulong Duterte ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na mag-install ng very small aperture terminal (VSAT) equipment sa Siargao pati na rin ng satellite phones para matiyak ang koordinasyon sa Office of the Civil Defense para sa calamity response.

Bukod dito, inatasan na rin ng Pangulo ang Department of Agriculture (DA) na kaagad tugunan ang pangangailangan ng mga mangingisdang nasira ang mga ginagamit na bangka sa pananalasa ng Bagyong Odette.

Itinalaga naman si Social Welfare Secretary Rolly Bautista, katuwang si  National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Ricardo Jaladm bilang crisis managers sa mga lugar na apektado ng Bagyong Odette.