Tahasang pinayuhan ni Pangulong Rodrigo Duterte si Sen. Panfilo Lacson na maging maingat lalo mukhang tatakbo pa naman ito sa pagka-presidente sa 2022.
Sinabi ni Pangulong Duterte, mistulang sinusubukan ni Sen. Lacson na maging crusader o tapagsulong ng adbokasya pero sa katotohanan ay ignorante naman siya.
Ayon kay Pangulong Duterte, dapat alalahanin ni Sen. Lacson na ito ay magagamit laban sa kanya pagdating ng panahon.
Ang banat na ito ni Pangulong Duterte ay kasunod ng pagkontra ni Sen. Lacson sa pahayag ng pangulo na maaaring tumanggap ang mga pulis ng mga regalo kung hindi naman malaki ang halaga at kung regalo lang naman dahil sa kanilang serbisyo.
Magugunitang inihayag ni Sen. Lacson noon na nagsisimula ang greed o kasakiman ng isang opisyal sa maliit na katiwalan at mas nakakadik pa umano ito kaysa sa drugs.
Mapapatawad naman daw niya si Sen. Lacson dahil hindi naman siya abugado.
Pero dapat magbasa daw siya ng libro dahil bawat opinyon ng pangulo ay nakasaad naman sa batas gaya sa kanyang paninindigan sa isyu ng “gift-taking” ng mga pulis na nakabatay sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act na nagsasabing maaari namang tumanggap ng regalo ang mga kawani ng gobyerno kung nominal o maliit lang ang halaga.
Samantala, hindi rin pinalagpas ni Pangulong Duterte ang pagkakataon para banatan si Vice President Leni Robredo na nagpahayag din ng kritisismo laban sa kanya.
Inihayag ni Pangulong Duterte na mahirap kung si Vice President Leni Robredo ang maging pangulo ng bansa dahil hindi naman ito nagbabasa ng libro.