Ibinunyag ni Pangulong Rodrigo Duterte na nakakaranas siya ng “myasthenia gravis,” isang sakit na nagdudulot nang paghina ng mga kalamnan.
Isinapubliko ni Duterte ang kanyang kondisyon nang dumalaw siya sa Filipino Community sa Moscow, Russia noong Sabado ng gabi (Linggo sa Pilipinas).
Sa kanyang naging talumpati, sinabi ni Duterte na minsan ay uncoordinated ang galaw ng kanyang mata.
Ito ay matapos niyang sabihin na nais sana niyang mag-duet sa isang Russian singer.
“Mag-duet lang kami ng ‘Ikaw’. Pagkatapos magtingin ako sa kanya kagaya kanina pero gusto ko siyang tingnan sa mata. Pero ang mata ko –’yung isang mata ko, dito sa mata niya. ‘Yung isang mata ko, umiikot kung saan-saan pumupunta,’ ani Duterte.
Ayon sa Pangulo, nakuha niya ang sakit niyang ito sa kanyang lolo.
Batay sa health website na Mayo Clinic, kabilang sa mga sintomas ng myasthenia gravis ay ang nanghihinang kalamnan sa kamay o paa, double vision, hirap sa pagsasalita, pagnguya, paglunok at paghinga.
Sa ngayon, walang lunas sa sakit na ito.