CEBU CITY – Kinumpirma ni Cebu City Mayor Edgardo Labella na dadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa gaganaping grand parade ng Sinulog Festival 2020 sa Linggo, Enero 19.
Sa panayam ng Bombo Radyo sa nasabing alkalde, sinabi nito na nagpadala ito ng paanyaya kay Pangulong Duterte noong nakaraang mga linggo at nakatanggap naman ito ng positibong sagot, ilang araw na ang nakalipas.
Dagdag pa nito na posibleng dadating ang pangulo sa hapon ngunit hindi muna ito nagbigay ng dagdag pang mga detalye kaugnay nito.
Dahil dito, hinihigpitan na ng Police Regional Office (PRO)-7 ang ipapatupad na seguridad alinsunod sa kapistahan.
Ayon kay PRO-7 Director Police Brigadier General Valeriano De Leon, ikinukonsidera nila ang ipapatupad na signal shutdown alinsunod sa inaasahang pagdalo ni Digong.
Sinabi rin ni Labella na maaasahan ng mga bisita ang talumpati mula sa 74-year-old chief executive kasabay ng selebrasyon.