-- Advertisements --

Natuklasan ng mga awtoridad na may kargang military ammunition ang Ukrainian cargo aircraft na unang iniulat na may nakakabit na military-grade explosives sa Leipzig/Halle Airport.

Batay umano ito sa isang confidential police report.

Sinabi rin sa mga ulat na nakumpirma ng mga forensic expert na ang pampasabog na nakakabit sa drone ay high military grade.

Ayon naman sa mga hindi pinangalanang imbestigador, na kaya raw hindi sumabog ang drone dahil nagkaroon ng technical defect sa explosive device nito.

Dahil dito, mas pinaigting ang isinasagawang counterterrorism investigation sa Leipzig/Halle Airport, na nagsisilbing pangunahing cargo hub at NATO military logistics center sa Germany at itinuturing na bahagi ng country’s critical infrastructure.

Ayon kay German Interior Minister Alexander Dobrindt, ang insidente ay maituturing na isang “hybrid attack” na nagpapakita ng tumataas na banta sa seguridad ng bansa.

Nakatakda rin siyang makipagpulong sa mga opisyal mula sa Baltic states, Poland, Sweden, Norway, Denmark, at iba pang bansa sa katapusan ng Agosto upang talakayin ang pagpapalakas ng kanilang militar.

Patuloy namang inaalam ng mga awtoridad ang iba pang detalye ng insidente. Hinahanap pa rin nila ang mga debris ng isang hindi pa natutukoy na bagay na tumama rin sa isa pang cargo aircraft.

Nauna nang iniulat na ang drone ay natagpuan malapit sa ilang Ukrainian Antonov An-124 cargo aircraft, na kabilang sa pinakamalalaking cargo planes sa mundo.

Nakita rin ng isang mamamahayag ng Reuters ang mga pulis na nangangalap ng ebidensya malapit sa isa sa mga eroplano.

Samantala, ang cargo aircraft na tinamaan ng hindi pa nakikilalang bagay ay nagsasagawa ng go-around maneuver dahil sarado ang isa sa mga runway ng paliparan. Bahagya itong nasira ngunit ligtas na nakalapag sa Hanover sa Germany.

Dahil sa insidente, pansamantalang sinuspinde ang operasyon sa Leipzig/Halle Airport at inilihis ang ilang flight, kabilang ang mga eroplano ng DHL. Gayunman, sinabi ng pamunuan ng paliparan na normal na muli ang operasyon.

Sa ngayon, hindi pa tutukoy ang suspek.