Muling nanguna si ports magnate Enrique Razon Jr. sa listahan ng Forbes Philippines’ 50 Richest para sa 2026, matapos tumaas ang kanyang net worth sa $21.8 billion o humigit-kumulang P1.32 trillion.
Ayon sa Forbes, nanatiling matatag ang negosyo ni Razon sa kabila ng mga geopolitical tensions, dahil sa patuloy nitong pinalawak ang operasyon ng International Container Terminal Services Inc. (ICTSI) sa iba’t ibang bansa, na nagpalakas din sa halaga ng shares ng kumpanya.
Pumangalawa sa listahan ang Sy siblings, mga tagapagmana ng yumaong SM founder na si Henry Sy Sr., na may tinatayang net worth na $9.2 billion. Nasa ikatlong puwesto naman si San Miguel Corporation Chairman Ramon Ang na may $3.5 billion.
Pang-apat sina Lucio at Susan Co ng Puregold na may $3.3 billion, habang panglima sina Isidro Consunji at kanyang mga kapatid na may $3 billion.
Kasama rin sa top 10 sina Lucio Tan na may $2.9 billion, Jaime Zobel de Ayala at pamilya na may $2.8 billion, Que Azcona family ng Mercury Drug na may $2.5 billion, dating senador Manuel Villar na may $2.4 billion, at ang Ty siblings, mga tagapagmana ng Metrobank founder na si George Ty, na may $2.3 billion.
Ayon sa Forbes, bumaba sa $79 billion ang pinagsamang yaman ng 50 pinakamayayamang Pilipino mula sa $86 billion noong nakaraang taon. Iniuugnay ito sa paghina ng paglago ng ekonomiya ng bansa, na nagtala ng pinakamababang quarterly growth rate sa unang tatlong buwan ng 2026.
Kabilang din sa mga nasa listahan ng 15 pinakamayayamang Pilipino ang Aboitiz family ($2.2 billion), Tony Tan Caktiong at pamilya ($2 billion), Lance Gokongwei at mga kapatid ($1.9 billion), Andrew Tan ($1.8 billion), at Po family ($1.6 billion).















