-- Advertisements --
DUQUE 1
IMAGE | Health Sec. Francisco Duque III/Screengrab, DOH media forum

Nasa kamay pa rin daw ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kung papayagan na ang face-to-face classes ng mga estudyante sa gitna ng COVID-19 pandemic.

“Depende yan kay pangulo kung papahintulutan niya ito,” ani Health Sec. Francisco Duque III sa isang media forum.

Handa naman daw ang Department of Health (DOH) na makipag-ugnayan sa Department of Education (DepEd) para sa pagbalangkas ng guidelines nang matiyak ang kaligtasan ng mga estudyante at guro.

Ilan daw sa mga posibleng ikonsidera para payagang mag-face-to-face classes ay ang mga lugar na may “low to minimum transmission” ng coronavirus.

Pati na ang mga lugar na may sapat na healthn systems capacity at critical care utilization.

“Ang mga public health preparedness ay dapat masiguro natin na sila ay talagang handa dahil kung saka-sakaling magkaroon ng kaso ay madaling mapangasiwaan.”

Sa ngayon hindi pa rin inirerekomenda ng Health department ang harapang klase ng mga mag-aaral.

Ayon kay Sec. Duque, halos lahat ng highly-urbanized cities at independent component cities sa bansa ay nakapagtala ng mga bagong kaso ng sakit sa nakalipas na isang buwan.

“Except for Batanes… ito lang ang probinsya na nakapagtala ng zero (new) cases for the last two to four weeks.”

“Yung ating policy sa ngayon ay patuloy na face-to-face classes. ‘Yan ang deriktiba ni Pangulong Duterte sa IATF.”

Kamakailan nang magbangayan ang Malacañang at Office of the Vice President (OVP) matapos akusahan ni Presidential spokesperson Harry Roque na nagpapatupad ng face-to-face classes ang Community Learning Hub initiative ni VP Leni Robredo.

Itinanggi naman ito ng kampo ng bise presidente at pinakita ang mga dokumento na suportado ni Education Sec. Leonor Briones ang inisyatibo. Batid din daw ng kalihim na hindi “alternative space” para sa harapang klase ang programa ng OVP.