Aminado si Health Sec. Francisco Duque III na nahihirapan ang kaniyang ahensya na maghanap ng punerarya o pasilidad para i-cremate ang bangkay ng 44-anyos na Chinese national na unang namatay dahil sa novel coronavirus (nCoV) dito sa Pilipinas.
Sa isang panayam sinabi ni Sec. Duque na kung hindi tumatanggi ay nagba-back out ang funeral services na hawakan ang pagsusunog sa katawan ng Chinese dahil sa takot na baka dala pa nito ang sakit.
Nilinaw naman na ng World Health Organization na malaki ang tsana na patay na rin ang virus sa katawan ng isang namatay na pasyente dahil sa nCoV.
Ito rin ang paliwanag ni Usec. Eric Domingo nang humarap sa press briefing niton Miyerkules.
Patuloy daw ngayon ang pakikipag-ugnayan ng DOH sa pamilya ng nasabing Chinese national, gayundin sa Embahada ng Beijing dito sa Pilipinas.
Nadagdagan naman ang bilang ng mga pasaherong kino-contact trace ng DOH mula sa mga nakasabay ng lalaking Chinese at nobya nito.
Kasali na rin kasi sa mga hinahanap ngayon ng DOH ay ang mga kapwa pasahero ng nai-report na ikatlong kaso ng nCoV sa bansa kahapon na isang 60-anyos na Chinese national din.
Sa ngayon, 30-porsyento na lang daw ng mga pasaherong nakasabay ng unang nCoV case ang kino-contact trace ng Bureau of Quarantine.