-- Advertisements --

Umabot sa tinatayang 15,500 katao ang dumalo sa rally ng Iglesia Ni Cristo (INC) sa People Power Monument sa EDSA nitong Martes, ayon sa Quezon City Police District (QCPD).

Batay sa tala ng QCPD, naitala ang peak crowd nito bandang alas-7 ng gabi. Pagsapit ng alas-9:25 ng gabi, bumaba ito sa 12,000, at lalo pang lumiit sa 8,000 bandang alas-10 ng gabi.

Samantala, inaasahan ng QCPD na magiging mas maayos na ang daloy ng trapiko sa EDSA sa Miyerkules matapos aprubahan ang permit ng INC para sa rally.

“Yes po, yun po ‘yung nakasaad doon sa permit nila na no total closure of the roads bukas, unlike ngayon na meron pong dalawang lanes na inoccupy nila,” ayon kay QCPD Public Information Office Chief P/Maj. Jennifer Gannaban.

“So hopefully bukas, mawala lahat yan at maging tuloy-tuloy na po yung daloy ng trapiko,” dagdag niya.

Ayon sa permit na inilabas ng Quezon City, mag-uumpisa ang rally ng alas-8 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi at muling isasagawa sa kahabaan ng White Plains Avenue–Temple Drive.

Nagpaalala rin ang Quezon City Department of Public Order and Safety na ang anumang paglabag sa mga nakasaad na kondisyon ng permit ay maaaring magresulta sa pagkansela nito.