Todo na raw ang paghahanda ng Department of Trade and Industry (DTI) para i-facilitate ang pagpasok ng Space Exploration Technologies Corp. o Space X sa bansa para magbigay ng internet services.
Sa isang statement, sinabi ng DTI na ang Pilipinas ay kauna-unahan sa Southeast Asia na mag-a-avail ng SpaceX’s Low Earth Orbit (LEO) satellite network constellation na tinatawag na Starlink.
Noong kalagitnaan ng 2021 ay mayroon nang1,600 satellite ang SpaceX at madadagdagan pa raw ito ng libo-libo pang mass-produced na maliliit na satellites sa low earth orbit na mayroong communication sa designated ground transceivers.
Ang naturang teknolohiya ay magbibigay ng high-speed satellite broadband connectivity sa mga customers partikular sa mga malalayong lugar na imposible pa sa ngayon na maabot ng komunikasyon.
Una rito ay nakipagpulong sina Trade Secretary Ramon Lopez kina SpaceX senior executives Rebecca Hunter at Ryan Goodnight.
Kasama rin dito si National Telecommunications Commission (NTC) Deputy Commissioner Edgardo Cabarios at DFNN executive chairman Ramon Garcia Jr.
Sa ngayon daw ay ipinoproseso na ang aplikasyon ng bansa sa pag-avail ng naturang satellite at napuntahan na rin ang lokasyon ng tinatawag nilang gateways.
Sa ngayon, bumubuo na raw ang naturang kumpanya ng local Filipino entity na siya namang wholly-owned subsidiary at target umano nilang mag-deploy ng tatlong gateways sa first phase ng launching.
Tiwala si Lopez na ang SpaceX/Starlink sa bansa ay magiging daan para sa mas mabilis na broadband speed, mas magandang connectivity mas maraming capacity para sa telecommunications services at mas murang rates para sa mga consumers.