CAUAYAN CITY – Naghihintay pa ang Department of Trade and Industry (DTI) ng malinaw na kautusan at guidelines sa pagsamsam sa mga laruang lato-lato na hindi sumailalim sa notification process.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Assistant Regional Director Winston Singun ng DTI Region 2 na ang lato-lato ay kabilang sa Toy and Child Care Articles na sakop ng Food and Drug Administration (FDA).
Handa aniya ang DTI region 2 na makipagtulungan sa FDA sa pagkumpiska sa nauusong laruan na ibinebenta sa merkado.
Naghihintay din ang DTI ng malinaw na kautusan at guideliness sa mga nakakataas kaugnay sa monitoring ng naturang laruan.
Sa ngayon ay wala pa namang direktiba o kautusan sa DTI na mangumpiska ng mga laruang lato-lato.
Samantala, abala ngayon ang DTI region 2 sa regular monitoring sa presyo ng mga pangunahing bilihnin.
Ito ay bukod pa sa isinagawang training sa mga treasurers sa Isabela.
Sa nasabing pagsasanay ay tinuruan ang mga treasurers na mag-calibrate ng mga kiluhan sa mga pampublikong pamilihan.
Ito ay para matiyak na tama ang timbang ng mga kiluhan na nasa public market.
Nauna ng isinagawa ang pagsasanay sa mga treasurer sa Isabela at isusunod naman nila sa Tuguegarao City.