Umalma si House Assistant Minority Leader France Castro sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin sa kabila ng nararanasang pandemya at krisis.
Tila hindi aniya napapansin ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Agriculture (DA) ang pagsirit ng presyo ng mga bilihin sa kasalukuyan.
Ayon kay Castro, ang mamamayang Pilipino na naman ang dehado dahil napakababa na nga ang sinasahod ng mga ito, salat pa sa ayudang dapat na magmula sa pamahalaan.
“Di pa nga tayo nakakabangon sa trahedyang dinulot ng COVID-19 at sunod-sunod na kalamidad na dumaan sa bansa, may panibagong bangungot na naman tayong susuungin,” ani Castro.
Sa halip na atupagin ang mga pangunahing usapin na kinakaharap ng bansa, sinabi ng kongresista na mas inuuna pa ng administrasyong Duterte ang pansariling interes sa pagsasabuhay at muling pagtutulak ng Charter change (Cha-cha).
Mababatid na noong Disyembre 2020, pumalo sa 3.5 percent ang inflation rate sa Pilipinas, pinakamtaas sa nakalipas na 21 buwan matapos na sabay-sabay na tumaas ang presyo ng mga pangunahing bilihin.
Kaya naman kinakalampag niya ang DTI na gumawa na ng agarang aksyon upang kontrolin ang presyo ng mga bilihin sa mga pamilihan.










