Pinaalalahanan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga may-ari ng restaurants at food establishments na mag-ingat sa partial reopening ng kanilang dine-in services.

Sa isang panayam, sinabi ni DTI Undersecretary Boy Vizmonte na dapat palaging sundin ang mga alituntunin na inilabas ng kanilang kagawaran at iba pang ahensya ng pamahalaan para maiwasan ang contamination ng COVID-19.

Kamakailan lang ay inatasan ng Inter-Agency Task Force ang DTI, Department of Tourism, Department of Labor and Employment, at Department of Interior and Local Government na i-monitor ang dine-in services sa mga restaurants at food establishments.

Ayon kay Vizmonte, katuwang ng DTI ang naturang mga ahensya at kagawaran ng pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa mga health officers ng mga lokal na pamahalaan sa pag-inspect ng mga food business establishments sa bansa.

Magugunita na kamakailan lang ay inaprubahan ng IATF ang resumption ng dine-in services sa general community quarantine areas simula Lunes, Hunyo 15.

Pero 30 percent lamang sa kapasidad ng restaurant ang papayagan na makapag dine-in.