Ipinag-utos ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual ang pagbuo ng Special Task Force para masiguro na naipapatupad ang ibinabang Executive Order No. 39 ni PBBM na nagmamandato ng limitasyon sa presyo o price cap sa bigas.
Ayon sa kalihim na kasalukuyang nasa Jakarta, Indonesia para sa ASEAN meeting, hinimok nito ang kaniyang mga kasamahan sa DTI na naitalaga sa rice task force na magtulungan sa paggampan ng kanilang tungkulin ng maayos at episyente.
Nagkasundo din ang mga member agencies ng task force na magsagawa ng profiling at validation ng rice retailers na makakatanggap ng assistance mula sa pamahalaan sa pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture, mga lokal na pamahalaan at Local Price Coordinating Councils.
Papakilusin din ng DTI ang mga asosasyon para magsumite ng listahan ng mga retailer upang matukoy ang posibleng mga benepisyaryo ng nasabing assistance.
Una ng pinag-utos ni PBBM ang pamamahagi ng tulong para sa mga retailers at wholesalers kabilang ang maliliit na supermarkets na maapektuhan ng price cap.
Ayon sa DTI ang nasabing tulong na ibibigay ng pamahalaan ay pinansyal na tulong, loan programs, logistics support at market linkages and support.
Sinabi naman ni DTI Assistant Secretary Teodoro Uvero na nakikipagtulungan din sila sa ibang mga ahensiya ng gobyerno para tumulong sa profiling at validation ng mga retailer na magiging basehan para sa pamamahagi ng pinansiyal na tulong sa pamamagitan ng DSWD na posibleng simulan sa susunod na linggo.